Martes, Mayo 27, 2014

The 1995 Earthquake Tragedy of Kobe, Japan


Isang kahindik hindik balahibo ang nangyaring trahedya noong taong 1995 sa Kobe, Japan. Niyanig ng magnitude 7 na lindol ang bansang Japan. Matapos ang lindol, nagkaroon ng sunog sa iba't ibang parte ng Kobe. Maraming establisyamento ang nasira, nasunog at gumuho. Isa na rito ang limbagan ng isang "daily newspaper" na Kobe Shimbun...ngunit hindi rito natatapos ang kwento. 

Ang mga dedikadong journalist ng Kobe Shimbun ay nagpatuloy sa kanilang trabaho. Pinilit nilang nilabanan ang uhaw at gutom. Nagkaroon man ng maliit at malalaking problema, hindi ito naging hadlang upang makalimbag sila ng dyaryo na magbibigay impormasyon sa lahat ng tao sa Kobe. 

Ilang bagay ang aking natutunan nang mapanuod ko at malaman ang kwento sa likod ng trahedya sa mga journalist ng Kobe Shimbun publishing. Una rito ay ang isang mahalagang dahilan kung bakit kinakailangan na ilathala ang mga di kaaya-ayang pangyayari matapos ang lindol, ito ay para sa record. Ang record na magbibigay ala-ala sa malabangungot na pangyayari na halos burahin ang buong Kobe, Japan. Ang record, isang mahalagang bagay para sa hinaharap, ang makitang muli ang nakaraan. Hindi lahat sumasang-ayon sa kasabihang past is past. Paano mo nga ba makakamtan ang hinaharap kung hindi mo titingnan ang iyong nakaraan? Ang nakaraan ang dahilan kung bakit mo nararanasan ang mga bagay sa kasalukuyan. Ipinaalala sa akin ng palabas na "Kobe Shimbun Tragedy" na may mga bagay kang dapat i-record upang malaman mong nang dahil sa iyong nakaraan, naranasan mo ang iyong kasalukuyan.

Pangalawang bagay na tumatak sa isip ko, bilang isang AB Communication student ng mataas na paaralan na De La Salle Lipa, ang pagiging journalist ay hindi lamang trabaho, ito rin ay isang uri ng serbisyo para sa tao. Sa oras na maging journalist ang isang tao, dapat ay laging handa ang puso at isip nito sa mga bagay bagay. Nararapat na tapusin ang kung anumang tungkulin at hindi dapat ipagsabahala ito. Sa palabas na iyon ko naunawaan ang serbisyo na binibigay ng isang manunulat sa dyaryo, ang pagiging balanse at pagbibigay ng tamang impormasyon, ang pagiging totoo, ang pagsisikap at kasama na rin dito ang pagbuhos ng pawis at dugo sa iyong trabaho. 

Pangatlong bagay na aking natutunan ay ang pagkamit ng kasiyahan matapos ang isang buwis buhay na gawain. Kahit na nahihirapan ka na, ang kailangan mo lang gawain ay ang ipagpatuloy ang bagay na iyon at tapusin. Hintayin ang maaring premyo mo pagkatapos ng lahat ng bagay. Hindi natatagpuan ang swerte, hinahanap ito, kaya sa bawat hirap, may kapalit na kasiyahan. Kung ang isang tao ay nasa ibaba ng kanyang buhay, na puro sakit at hirap ang nararanasan niya, dapat lang na siya ay magpasalamat dahil kapag tayo ay nasa ibaba, wala tayong maaring gawain kung hindi ang tumaas muli at magbago. 

Kung pagsasamahin itong lahat ng aking natutunan, isang bagay ang importante dito, ang maging dedikado sa kung ano man ang iyong gagawin.